Sa pagsisikap na mapagaan ang trapiko sa Metro Manila, Binuksan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 3-lane, northbound direction ng Skyway Stage 3 mula Buendia Avenue hanggang sa Java Street sa Makati City.
Sinabi ni DPWH Secretary Villar, sa halip na gamitin ang Buendia bilang off ramp, ang mga motorista ay maaari na ngayong lumabas isang kilometro na mas malayo ng South Super Highway sa pamamagitan ng temporary ramp na itinayo malapit sa Java Street.
Ang seksyon, na umaabot ng 1-kilometro, ay pansamantalang binuksan hanggang sa full completion ng Phase 1 na magtatapos sa President Quirino Avenue sa Maynila.
Sinabi pa ng kalihim na ang temporary ramp malapit sa Java Street ay kasalukuyang one lane passable lamang.
Ang Skyway Stage 3 ay isang 6-lane, elevated expressway sa metro manila na babagtas sa Metro Manila mula Buendia, Makati City hanggang Balintawak, Quezon City na may habang 17.54 kilometers.
Oras na makumpleto, mapaluluwag ng Skyway Stage 3 ang trapiko sa pamamagitan ng walong access ramps / interchanges na matatagpuan sa estratehikong lugar tulad ng: Buendia Avenue, (South Super Highway, Makati City), Pres. Quirino Avenue (Malate, Manila), Plaza Dilao (Paco, Manila), Nagtahan / Aurora Boulevard (Manila), E. Rodriguez Avenue (Quezon City), Quezon Avenue (Quezon City), Sgt. Rivera St. (Quezon City) at NLEX.