Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motoristang dumadaan sa Commonwealth Avenue dahil sa gagawing pagsasara ng isang U-turn slot simula ngayong araw (Oktubre 6) para sa gagawing Metro Rail Transit-7.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, magtatagal ng dalawang buwan ang pagsasara ng U-turn slot sa Don Antonio dahil sisimulan na ang konstruksyon sa lugar.
Dahil dito inaabisuhan ng MMDA ang mga motorista na gamitin ang Eclaro U-turn slot na may layong 700 metro mula sa isasarang U-turn slot.
Ang MRT-7 project ay may habang 23 kilometro na may 14 na istasyon mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte sa Bulacan.
Nasa libu-libong pasahero sa Metro Manila at mga karatig-probinsya na Bulacan at Rizal ang inaasahang maseserbisyuhan ng proyekto kapag ito ay natapos na.