Road repair at excavation ng private firms, kailangan ng koordinasyon sa MMDA

Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa telecommunications at utility companies na pagsabayin na ang road diggings, repair at excavations sa mga pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR).

Sa ipinatawag na pulong ni MMDA Chairman Benhur Abalos kasama ang utility company representatives, sinabi nitong dapat magkaroon ng synchronous works sa isang partikular na lugar upang hindi na paulit-ulit ang trabaho maliban kung emergency repair.

Pinagsusumite ni Abalos ang mga private firm ng inventory ng kanilang proyekto at kung gaano katagal ang konstruksyon upang maayos na maipatupad ang road works sa Metro Manila.


Kakailanganin din nila ng permit mula sa Local Government Units (LGU) at magsusumite ng traffic management plan bago ikasa ang road work para mabawasan ang epekto sa usad ng mga sasakyan.

Iginiit naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia na dapat ipabatid sa ahensya tatlong araw bago ang planong konstruksyon at timetable upang ipaalam sa Department of Public Works and Highways.

Sa kasalukuyan, pinapayagan ang Information and Communications Technology (ICT) Service Providers na magsagawa ng excavations at restoration works para sa infrastructure projects sa right-of-way limits ng national roads.

Facebook Comments