Pormal nang isasama sa basic education curriculum ang leksyon ukol sa ‘road safety’.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante, layon nito na mabawasan ang bilang ng namamatay sanhi ng aksidente sa mga lansangan at matutunan ng mga bata na maging responsible road users at drivers.
Nabatid na sa tala ng World Health Organization (WHO), umaabot sa 1.35 million ang road traffic deaths taon-taon, habang nasa dalawampu hanggang limampung milyon naman ang nagtatamo ng injury kung saan ang aksidente sa kalsada ang ika-walo sa nangungunang dahilan ng pagkamatay sa buong mundo.
Dito sa Pilipinas, 12,000 kada taon naman o katumbas ng tatlumpu’t tatlo araw-araw ang namamatay dahil sa road crashes at Pangunahing biktima ang pedestrians, nagmomotorsiklo at bisikleta.
Kasabay nito, Nilagdaan na din ang memorandum of understanding sa pagitan ng LTO, Schools Division Office, Department of Education (DepEd) at Quezon City government.
Maging ang launching ng nabuong Road Safety Learners Materials ay naiturn-over na din sa DepEd-NCR.
Makikinabang daw dito ang mga estudyante sa kinder hanggang grade 12 sa NCR at ang mga guro ay isasailalim din sa training.