Road-worthiness ng mga lansangan ngayong Semana Santa, pinatitiyak ng isang senador

Pinatitiyak ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo ang road-worthiness para sa kaligtasan ng mga babiyahe ngayong Semana Santa.

Inaasahan ngayon ang pagdagsa sa mga terminal ng mga byaherong uuwi ng probinsya kaya naman pinakikilos kaagad ng senador ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan na magsagawa ng regular na inspeksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus terminals upang sa gayon ay tiyakin ang roadworthiness ng mga babiyaheng pampasaherong bus lalo’t marami-rami pa ring bus operators at terminals ang hindi nakasusunod sa mga regulasyon.


Partikular na pinatitiyak ng senador na nasa maayos na kondisyon ang mga gulong, brake systems, fire extinguishers gayundin ang pagtatalaga sa terminals ng mga security na may personnel hand-held metal detectors para masuri ang mga sasampang pasahero na posibleng may dalang armas o mga kontrabando.

Sumang-ayon naman ang LTFRB sa mga suhestyon ng senador at nangakong makikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) para mas mapaigting pa ang pagbabantay hindi lang sa Metro Manila pati na rin sa mga lalawigan.

Facebook Comments