Roadmap para sa susunod na anim na taon ng Marcos administration, nais marinig ni Sen. Angara sa SONA

Umaasa si Senator Sonny Angara na ihahayag ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) kung ano ang roadmap para sa susunod na anim na taon niyang panunungkulan.

Partikular na interesado si Senator Angara na marinig kung ano ang detalye ng inihayag ni PBBM sa inaugural speech na planong pakikipag-partner ng gobyerno sa pribadong sektor.

Sabi ni Angara, maraming naghihintay kung paano maisasakatuparan ni PBBM itong tema o pilosopiya na layuning mailabas ang potential ng ating bansa kung saan ang gobyerno ay partner ng pribadong sektor o katulong ng negosyante ang gobyerno.


Nais ding marinig ni Sen. Angara sa pangulo ang mga plano para maka-recover ang ating ekonomiya at paano tutugunan ang pangangailangan at suliranin ng iba’t ibang sektor na apektado ng COVID-19 pandemic.

Intresado si Angara na malaman kung paano mapapaganda ang serbisyo ng pamahalaan pagdating sa kalusugan, sa edukasyon, paano makalikha ng trabaho.

Gusto rin ni Angara na maranig ang detalye kung paano mabibigyang pansin ng pamahalaan ang mga estudyante, magsasaka at iba pang nangangailangan ng agarang tulong.

Samantala, bago lumiwanag kanina ay pinalibot na ng mga tauhan ng Pasay City Police ang bomb sniffing dogs nito sa paligid ng gusali ng Senado sa Pasay City.

Ito ay bahagi ng pagtiyak sa seguridad sa Senado para sa gagawing pagbubukas ng session ngayong umaga sa ilalim ng 19th Congress.

Facebook Comments