Nakatakdang irekomenda ng Advisory Council of Experts (ACE) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng “traffic light” system.
Sa gitna ito ng pagsisikap ng bansa na tuluyang mabuksan ang ekonomiya nang hindi nakokompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Joey Concepcion, founder ng Go Negosyo at dating Presidential Adviser on Entrepreneurship, sa ilalim ng nasabing sistema, gagamitin ang kulay green, yellow at red upang tukuyin ang kahandaan ng bansa sa pagluluwag ng alert level kabilang ang panuntunan sa pagsusuot ng face mask.
Dalawang metrics na lamang ang pagbabasehan dito kabilang ang health care utilization rate (HCUR) at ang average daily attack rate (ADAR).
Habang ayon kay Concepcion, papayagan lamang na gawing optional ang pagsusuot ng face mask kung 70% na ng kabuuang bilang ng nakakumpleto na sa primary series ang nakapagpaturok na rin ng booster shot.
Maliban dito, hinikayat din ng mga eksperto ang pamahalaan na payagan nang mag-apply ng Certificates of Public Registration (CPR) ng COVID-19 vaccines ang mga pharmaceutical company.
Ayon kay Concepcion, mas mapapabilis ang COVID-19 booster vaccination sa bansa kung gagawing available ang bakuna para sa commercial use.
Gayunman, aminado si Concepcion na mangyayari lamang ito kung aalisin na ang state of public health emergency kung saan hindi na rin magiging libre ang COVID-19 vaccines.
Kung walang kakayahang bumili ng bakuna, pwede pa rin naman silang tulungan ng gobyerno ayon kay Concepcion.
Samantala, irerekomenda rin ng ACE kay Pangulong Marcos ang pagbili ng mga bakuna na espisipikong ginawa laban sa Omicron variant.