Nag-viral at pinag-usapan ang audition ng Koreanong si Kim Jiwan, na nag-perform ng magic sa Pilipinas Got Talent. Ito’y matapos pilitin ng isa sa mga hurado na si Robin Padilla na magsalita ito ng Tagalog at pinangaralan pa.
Sampung taon nang naninirahan sa Pilipinas si Jiwan. Bagamat ipinanganak siya sa Korea, dito na siya sa Pilipinas lumaki. Hindi lang daw siya natutong magsalita ng Tagalog dahil nag-aral siya sa isang international school. Hindi pinalampas ni Robin ang sitwasyon para pangaralan si Jiwan sa kakulangan nito ng effort mag-aral magsalita ng Tagalog o wikang Filipino.
Tumanggi rin noong una si Robin mag-participate sa magic trick ng Korean, kaya si Angel muna ang humalili. Pero kalaunan ay nagpaunlak na rin ang aktor.
Matapos ang kanyang magic act,humingi ng paumanhin si Robin kay Jiwan at sinabing parang tatay lang siya nitong nangangaral sa kanya. Humingi rin ng paumanhin ang Koreano at sinabing sa susunod ay sisikapin niyang mag-Tagalog.
Kaugnay nito, binatikos ng marami si Robin sa social media. Kinondena ng ilan ang pagpapahiya ng aktor sa Korean at tinawag pa siyang “racist” at may false sense of nationalism. Ngunit pinanindigan ni Robin ang kanyang ginawa at hindi rin daw niya pinagsisisihan ang kanyang mga naging pahayag.