Sumagot si Robin Padilla sa apela ni Cavite Governor Jonvic Remulla na isama ang mga nasa middle class sa social amelioration program.
Sa Instagram, sinabi ng aktor na alam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawa niya at sinong dapat na maging prayoridad sa gitna ng pandemic.
“Sir Governor alam ni mayor PRRD ang ginagawa niya hindi puedeng sabay sabay sa isang bagsakan dahil limitado rin ang resources ng bansa,” aniya.
Giit pa ni Padilla, suspendido naman ang tax ng working class upang makaraos sa panahon ng krisis.
“Kaya po sir governor kung sakaling ipahintulot pa ng Panginoon na makabalik pa tayo sa dating mundo aasahan ko ang muli mong pagtindig at paglutang kapag kakasahan na muli ni mayor PRRD ang mga oligarchs,” saad niya.
Dahil aniya, “ang makapagbibigay lamang ng kaginhawaan sa buhay ng mga middle class ay ang tamang sueldo tamang benepisyo at tamang karapatan para sa mga manggggawa/middle class.”
Tumugon naman sa aktor si Remulla na nagsabing ikinalulungkot niyang minasama ni Padilla ang mungkahi niyang tulungan ang mga nasa middle class.
“Pag nasa realidad na buhay ka ay durugo ang puso mo para sa mga nahihirapan. Hinde po namin iniisip na makipag-away kahit kanino. Wala pong oligarch, wala pong mahirap, wala pong makapangyarihan sa mata ng Covid,” sabi ng governor sa Facebook.
Nilinaw niya rin na nais niya lang iparating ang hinaing ng middle class, at hindi niya intensyong dumagdag pa sa problema ng Presidente.
“Nasa balikat niya ang bigat ng problema ng lagpas isang daan milyon Pilipino. Ngunit di ko rin naman kayang talikuran ang kahirapan sa aming mga lansangan. Kailangan bigyan ng boses ang walang kakayahan pumasok ng Malacanang,” ani Remulla.
“I am one with the President as you are. I serve at his pleasure and I am committed to the people of Cavite,” sabi niya pa kay Padilla.