‘Robo-cop’ inilunsad ng San Juan Police bilang parte ng kampanya kontra droga

Image via San Juan City Police

Sa unang araw ng pasukan, ipinakilala ng San Juan Police ang robot na pupuksa sa paglaganap ng iligal na droga.

Si Police Sgt. San Juan, ang six-foot robot na gawa sa goma, ang nagpasigla sa mga mag-aaral ng Pinaglabanan Elementary School at San Juan City High School.

“Serve and protect. Say no to drugs,” ang mga salitang nakasulat sa braso ng robo-cop na bumati sa mga estudyante ng siyudad.


Ayon kay San Juan City Police chief Col. Ariel Fulo, tutulong si Police Sgt. San Juan sa pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa kriminalidad at ipinagbabawal na gamot sa mga paaralan at maging sa iba’t ibang pamayanan.

“We’ve launched Police Sgt. San Juan coinciding with the opening of classes to encourage students to stay away from illegal drugs. This mascot is our ambassador of good will and protector of the oppressed,” dagdag ni Fulo.

Pinangunahan ni Eastern Police District director Brig. Gen. Christopher Tambungan ang pagpapasinaya sa robo-cop.

Kahit kasama siya sa puwersa ng pulisya, walang anumang armas si Police Sgt. San Juan. Hindi rin ito nakasuot ng uniporme ng pulis. Ang kanyang disenyo ay hango sa isang police car.

Ayon pa kay Tambungan, mas madaling lapitan, appealing at friendly sa publiko ang lokal na roco-cop.

Magsisilbi ring tulay si Police Sgt. San Juan sa pagitan ng pulisya at ng iba’t ibang komunidad sa lungsod.  Ang bagong proyektong ito ay mula na rin sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni outgoing Mayor Guia Gomez.

 

 

Tutulong din ang kulay asul, pula at puting robot na kahawig ng Hollywood film Transformers sa pulisya sa kampanya nito laban sa bullying sa mga paaralan.

Facebook Comments