
ISABELA — Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela (PGI) ang Robokidz team mula sa Philippine Yuh Chiau School, Inc. (PYCS) matapos na lumahok sa International Robotics Olympiad na ginanap sa Busan, South Korea.
Sa pamamagitan ng isang resolusyong na nilagdaan ng ika-11 Sangguniang Panlalawigan, pinuri ng PGI ang grupo sa kanilang pagdadala ng karangalan sa lalawigan sa pamamagitan ng inobasyon.
Ang Robokidz team ang siyang naging kinatawan ng Pilipinas na nakipagtunggali sa mga mahuhusay na kalahok mula sa iba’t ibang bansa.
Kabilang sa mga parangal na natanggap ng koponan ang Technical Awardee sa Creative Category Idea para sa Junior Low at Junior High divisions, gayundin sa Creative Movie Idea category.
Bilang bahagi ng Philippine Robotics Team, iginawad din sa kanila ang International Robotics Olympiad Excellence Award sa parehong Creative at Technical categories.