Handa si Vice President Leni Robredo na makipag-one-on-one kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ito ay kung si Robredo ang pipiliing ‘unity candidate’ para sa 2022 presidential elections.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, inamin ni Robredo na kabilang sa mga konsiderasyon niya sa pagtakbo sa pagka-pangulo ang kagustuhan ng marami na hindi na makabalik sa kapangyarihan si Marcos.
“Yung pagkandidato ko ba, makakatulong ba siya sa ayaw nating mangyari. Ano ba yung ayaw nating mangyari? Itong administration na ‘to mag-continue beyond 2022, na si Marcos makabalik in power,” giit ni Robredo.
“Kung one-on-one kami ni BBM, go na go ako dun.”
Ayon pa kay Robredo, pinag-aaralan niyang mabuti kung ano ang magiging epekto sakaling siya ay tumakbo gayundin ang iba pang nagnanais maging kandidato ng oposisyon.
Aniya, magiging malaking problema rito ang paghahati-hati nila ng boto.
“Kung ako ang piliin na unity candidate, go na go ako dun. Pero kung hindi kasi ako at maghahati-hati kami ng boto, yung tanong, best interest ba ‘yon ng bansa natin?” ani bise president.
“Hindi ko naman ipinagkakaila na nag-e-exert ako ng maraming effort para mag-unite. Kung ako yung piliin bakit hindi. Pero kung mag-u-unite kayo dapat lahat kayong mag-uusap, willing to give up something di ba?”
“Yung magiging problema ko ‘pag hindi ako napili, ‘yung supporters ko, ‘yun din yung problema ng mga kausap ko. Kasi lahat naman kami may kanya-kanyang supporters e at yung mga supporters namin naniniwala na kami ang ‘best candidate’,” dagdag niya.
Matatandaang tinutulan noon ni Robredo ang isinusulong na unification formula ni Senador Panfilo Lacson na nagre-require sa opposition candidates na maghain ng Certificate of Candidacy (COC) at kalauna’y mag-withdraw oras na matalo sa survey.
Giit ni Robredo, hindi na siya aatras oras na maghain siya ng COC.
Samantala, noong Miyerkules, September 8 ay pormal nang inanunsyo ni Lacson ang pagtakbo niya sa pagkapangulo kasama si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III bilang kanyang running mate.
Habang, hindi pa nag-aanunsyo ng kani-kanilang kandidatura sina Robredo at Marcos.