Robredo kay Marcos: Tanggapin na lang ang SC decision

“Walang duda na hindi ako nandaya noong eleksyon.”

Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo matapos na tuluyang ibasura ng Supreme Court (SC) ang poll protest na inihain laban sa kanya ni dating senador Bongbong Marcos.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na matagal na siya sa pulitika at kailanman ay hindi siya nandaya.


Alam aniya ito ng mga taga-Naga kaya masaya rin ang kanyang mga kababayan na matapos ang halos limang taon ay natuldukan na ang mga pagdududa sa kanyang pagkapanalo noon sa eleksyon.

“Alam ng mga tao dito na, una, wala kaming capability na mandaya. Pangalawa, kahit may capability kami na mandaya, hindi namin yun gagawin,” ani Robredo.

“Kaya parang ang pakiramdam ng mga tao dito samin, laban din nila yun kasi nasasaktan sila na pinagdududahan ako. Syempre Ka Ely, yung ibang hindi naman nakakakilala sa’tin, napapaniwala nila. Kaya dito, masaya yung mga tao na vindicated tayo, halos limang taon din,” saad niya.

Samantala, kung may utang man aniya si Marcos, ito ay sa mga taong pinaniwala niyang siya ay nandaya.

“Kahit papano Ka Ely, nakantiyawan yung mga taong yun, napahiya, kasalanan niya yun,” aniya.

Nakakalungkot din aniya na kahit nakapagdesisyon na ang SC ay pinipilit pa itong baguhin at sinusubukan pang magpakalat ng fake news ng kanyang mga trolls.

Giit ng Bise Presidente, tila walang pakialam si Marcos kahit masira ang integridad ng mga democratic institution gaya ng Commission on Elections at Supreme Court para lamang makuha ang kanyang ambisyon.

“Nag-decide na yung Supreme Court, nag-attempt pa sila na mag-fake news, instead na malugod na tanggapin. Ito panlilinlang na talaga e. Sa’kin lang, hindi na ito simpleng pagsisinungaling. Nakita natin kung paano yung ambisyon ng isang tao, isang pulitiko, na para makuha niya lang ang kanyang inaasam… willing siyang sirain yung mga institusyon, bahiran ng pagduda ang Comelec, bahiran ng pagduda ang Supreme Court para lang makamtam niya yung kanyang kagustuhan,” pahayag ni Robredo.

“Para sa’kin, parang walang pakialam sa pagsira sa democratic institutions para lang sa political will mo, tingin ko ito yung mas grabe,” dagdag pa niya.

Facebook Comments