Robredo, nilinaw na ang pagtaas ng kanyang 2020 net worth ay dahil sa iniwang yaman ng kanilang yumaong ina

Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na ang pagtaas ng kanyang deklaradong yaman para sa taong 2020 ay dahil sa mga ari-ariang naiwan ng kanyang yumaong ina.

Una rito, lumabas ang ulat na tumaas ng P11.9 million ang net worth ng bise presidente.

Sabi ni Robredo, kapwa nagtatrabaho sa ibang bansa ang dalawa niyang kapatid kung kaya’t siya ang tumayong executor ng mga yamang naiwan ng kanilang ina.


“Nung namatay ‘yung nanay ko ako lang ‘yung anak dito di ba? Ang mga kapatid ko nagtatrabaho sa labas ng bansa. Tatlo kaming magkakapatid, so, ako ‘yung parang executor. Di ko pa natatapos kasi marami pa kaming nadidiskubre na wala sa listahan dati,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

Pero paglilinaw niya, subject to final settlement pa ito at maaari pang mabago oras na maisapinal na nila ng kanyang mga kapatid ng hatian.

“Wala pa kaming extrajudicial settlement, so, nakalagay dun sa aking SALN na subject to final settlement. So, hindi ko alam kung babawas ‘yon, hindi ko rin alam kung dadagdag kasi hindi pa namin lahat naaayos,” paliwanag ni Robredo.

“So kaya siya lumaki nang malaki kasi ni-report ko yung lahat ng nasa’kin. Again, hindi pa dun final kung ilan ang share ng mga kapatid ko, yung hatian.”

Ayon kay Robredo, susubukan niyang maisapinal ang pagsasaayos ng mga naiwang ari-arian ng kanilang ina kapag nakabalik na ulit siya sa Naga City.

Facebook Comments