Itinanggi ni Vice President Leni Robredo ang umano’y pagkontra niya noon sa Chinese-made vaccine na Sinovac.
Ito ay makaraang sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat munang linawin ni Robredo ang pagtutol niya sa Sinovac sa harap ng mungkahing magtambal sila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang infomercial na hihikayat sa publiko na magpabakuna.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, nilinaw ng Pangalawang Pangulo na hindi siya tutol sa Sinovac vaccines.
Sa halip, iginigiit niya noon na dapat dumaan din sa proseso ang bakuna, gaya ng ginawa sa Pfizer at AstraZeneca, para matiyak ang proteksyon ng mga matuturukan nito.
“Fake news yan. Hindi ko sinasabi na masama yung Sinovac or whatever pero ang sinasabi ko lang, mag-go through naman sana sa proseso para siguradong protected tayo,” ani Robredo.
Aniya, pinagbasehan niya rito ang naging pahayag noon ng Health Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) na wala pang positive recommendations mula sa Health Technology Assessment Council (HTAC) ang Sinovac.
“Ang Pfizer tsaka AstraZeneca, meron nang positive recommendations sa HTAC, ang Sinovac, wala pa. At sinasabi dati ng pamahalaan na hindi na yon kailangan kasi donated naman. Nandun yung discussion no’n,” paliwanag ng bise presidente.
“Ang sinasabi ko, kahit pa donated, dapat humingi pa rin ng positive recommendations sa HTAC kasi pagprotkesyon ito sa mga kababayan natin and later on nga nagkaroon na so wala na tayong diskusyon,” dagdag niya.