Robredo, tiwalang hindi kokontrahin ni PRRD ang pakikipagpulong niya sa US at UN

Tiwala si Vice President Leni Robredo na hindi kokontrahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano niyang makipagpulong sa mga opisyal ng US Embassy at United Nations (UN) hinggil sa problema sa iligal na droga sa bansa.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, binigyang-diin ni Robredo ang pag-apruba ng Pangulo sa Philippine anti-drug strategy.

Nakasaad dito na mahalaga ang kooperasyon ng Pilipinas sa ibang bansa at sa mga international organization pagdating sa usapin ng iligal na droga.


“Dito sa kampanyang ito, hindi naman kokontra yung Pangulo dahil in-approve niya yung Philippine anti-drug strategy. Napakahalaga ng information na makukuha natin sa kanila kasi ito… parang isang traffic na hindi lang naman tayo islang nag-iisa. Yung drogang pumapasok satin galing sa labas. So kailangan natin ng information galing sa ibang bansa.”

Una nang ipinunto ni Robredo na mas magiging epektibo ang kampanya kontra iligal na droga kung mararamdaman ng ibang grupo na kabilang at pinakikinggan sila.

Ikinatuwa naman ng Bise Presidente ang ipinahayag na suporta sa kanya ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim bilang co-Chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Facebook Comments