Rollout ng COVID-19 booster shots para sa 12-17 years old, dedesisyunan na sa mga susunod na linggo

Inaasahang madedesisyunan na ng gobyerno sa mga susunod na linggo ang mungkahing maturukan na rin ng booster shots kontra COVID-19 ang mga kabataang edad 12 hanggang 17.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinag-uusapan na ito ngayon ng Inter-Agency Task Force.

Naniniwala naman ni infectious diseases expert Dr. Edsel Salvaña na mayroong sapat na datos na sumusuporta sa nasabing hakbang lalo’t ginagawa na ito sa Amerika.


Aniya, hinihintay na lamang nila ang go signal mula sa Food and Drug Administration (FDA) para sa rollout ng pagbabakuna sa nasabing age group, gayundin sa Health Technology Assessment Council (HTAC) para sa pagbili ng mga kinakailangang COVID-19 vaccines.

Noong Abril, inanunsyo ng Department of Health na nagsumite na ito nang request sa FDA para amyendahan ang Emergency Use Authorization ng mga bakuna nang sa gayon ay maturukan na rin ng booster shots ang mga kabataang 12-17 years old.

Sa kabilang banda, sinabi ni Vergeire na wala pang sapat na pag-aaral upang irekomenda ang second booster shots para sa general population.

Sa ngayon, tanging mga senior citizen, immunocompromised at mga health worker ang eligible sa fourth dose.

Facebook Comments