Hindi na nakapagtimpi si Presidential Spokesperson Harry Roque nang tanungin siya sa isang TV interview hinggil sa hamon ng isang professor ng University of the Philippines (UP).
Sa kanyang tweet, hinamon ni UP prof. Danny Arao ang mga miyembro ng gabinete na tuligsain ang unilateral abrogation sa 1989 accord ng UP at ng Department of National Defense (DND).
Sa interview sa CNN Philippines, tinanong ng anchor na si Pinky Webb si Roque na bilang isang UP alumnus ay kakasa ba ito sa hamon ni Arao.
Sagot ni Roque, dapat mag-usap ang DND at UP at pag-usapan ang pagkansela sa accord.
Hindi rin siya maaaring magbigay ng personal na sagot dahil siya ay tagapagsalita ng Pangulo.
Pagkatapos ng commercial break, binalikan ni Roque ang tanong tungkol sa hamon ni Arao at iginiit na unfair ito.
Sinabi ni Roque, hindi niya tungkulin na sundin ang anumang sinasabi ni Prof. Arao at tila pinipilit siyang sundin ang propesor.
Dagdag pa ni Roque, mas matagal ang panahon niya sa UP kumpara kay Arao.
Sa panig ng Anchor, ipinaliwanag ni Webb na wala siyang intensyong palabasing kailangang sagutin ni Roque si Arao, dahil ang hinihingi lamang niya ay reaction nito sa tweet ng UP professor.
Pero hindi ito kinagat ni Roque at paulit-ulit niyang iginigiit ang akusasyon kay Webb na pagiging unfair, bagay na itinanggi ng anchor.
Sa kabila nito, napanatili pa rin ni Webb ang kanyang pagiging propesyonal sa kanyang panauhin.
Sa huli, iginiit ni Roque na mahalagang mag-usap ang DND at UP hinggil sa kasunduan.