Roque, tiniyak na nasa P650 per dose lang ang halaga ng Sinovac vaccine

Nasa P650 kada dosage lang din ang halaga ng Sinovac vaccine na bibilhin ng Pilipinas, kapareho sa kung magkano ito nabili ng ibang mga bansa.

Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kabila ng hindi pa paglalabas ng pamahalaan sa aktwal na presyo ng nasabing bakuna.

Paliwanag ni Roque, hindi gaya ng ibang kompanya na kapitalista na ‘market dictated’, maaaring baguhin ng China ang presyo ng kanilang bakuna depende sa kung sino ang bibili.


Ito aniya ang dahilan kung bakit ayaw ipa-anunsyo mismo ng Tsina ang presyo nito dahil baka magalit ang iba na “hindi nila masyadong BFF” na bumili nang mas mahal.

Pero ayon kay Roque, kada dose ng Sinovac ay nagkakahalaga lang din ng humigit kumulang P650, gaya ng presyo nito sa Indonesia, taliwas sa mga naunang ulat na nagkakahalaga ito ng P3,600 para sa dalawang doses.

Kasabay nito, muli niyang dinepensahan ang pagpili ng gobyerno sa Sinovac.

Aniya, bagama’t nasa 50% lamang ang efficacy rate nito sa isinagawang trials sa Brazil, wala ni isa naman sa mga binakunahan ang na-ospital.

Giit pa ni Roque, hindi na kailangan pang hintayin ang isa pang klase ng bakuna na sa katapusan pa ng taon darating kung andyan na ang proteksyon.

Hindi dapat isugal ang kalusugan lalo ngayon na may panibago na namang banta ng mas nakakahawang variant ng COVID-19.

Facebook Comments