Kinumpirma ng National Task Force West Philippine Sea (NTF-WPS) na naging matagumpay ang isinagawang Rotation and Resupply (RoRe) Mission sa Ayungin Shoal kahapon, July 27, 2024.
Sa isang pahayag, sinabi ng NTF-WPS na nakapaghatid ang civilian vessel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ML Lapu-Lapu katuwang ang BRP Cape Engaño ng Philippine Coast Guard (PGC) ng essential supplies sa mga sundalo ng bansa na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.
Sa gitna ng operasyon, namataan malapit sa lugar ang iba’t ibang Chinese maritime forces kabilang ang nasa apat na barko ng Chinese Coast Guard, tatlong People’s Liberation Army-Navy vessels, at dalawang Chinese Maritime Militia vessels.
Sa kabila nito, sinabi ng NTF-WPS na sa buong operasyon ay nanatili ang distansya ng mga Chinese vessel at hindi rin gumawa ng anumang aksyon para harangin ang RORE.
Mababatid na una nang nagkasundo ang Pilipinas at China ng “provisional understanding” sa isasagawang RoRe sa Ayungin Shoal upang pahupain ang tensyon at maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea.
“The understanding explicitly does not prejudice the national position of the Philippines. The guidance of the President Ferdinand Marcos Jr. is clear: The Philippines is committed to the cause of peace but we will not be deterred nor will we yield.” dagdag na pahayag ng NTF-WPS.
Samantala, pinabulaanan naman ng NTF-WPS ang pahayag ng China na pinahintulutan nito ang Pilipinas na magsagawa ng RoRe mission sa Ayungin Shoal.
Giit ng task force na hindi kailanman hihingi ng permiso ang Pilipinas sa China para makapagsagawa ng resupply mission sa loob ng sarili nitong teritoryo.
Hindi rin anila totoo ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry nitong Sabado na nag-inspeksyon ang China sa mga suplay na dala ng militar ng Pilipinas upang matiyak na mga humanitarian necessities lamang ang dadalhin sa BRP Sierra Madre.