RORO transport system, ipinababalik ni Speaker GMA

Manila, Philippines – Planong buhayin ni House Speaker Gloria Arroyo ang Roll-On-Roll-Off o RORO transport system sa bansa.

Dismayado ang Speaker dahil hindi itinuloy ng nakaraang administrasyon ang kanyang mga nasimulan na RORO projects gayong nakatulong ito para sa pagbaba ng halaga ng mga ibinabyaheng produkto at nakabuti para sa buhay ng mga Pilipino.

Dahil dito, bubuo si Arroyo ng oversight committee para pag-aralan kung paano muling bubuhayin ang RORO transport system sa bansa.


Paliwanag ni Arroyo, binuo niya ang proyekto noong 2003 para sa mabilis at murang paggalaw at pagbyahe ng mga produkto na nagbigay sigla sa komersyo at turismo ng bansa.

Patunay aniya dito ang pagkilala ng Asian Development Bank o ADB sa pagbaba ng cost o halaga ng mga produktong inihahatid mula sa RORO.

Nakatakdang pulungin ni Arroyo ang bubuuing oversight committee kasama ang Department of Transportation o DOTr at Philippine Ports Authority o PPA para matuloy kung alin sa mga proyekto ang dapat buhayin.

Facebook Comments