Iniutos na ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa ilang PNP regional director ang pagtataas ng alerto bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyong Rosita.
Ayon kay Albayalde partikular nyang inalerto ay ang mga regional directors ng Ilocos-Pangasinan Region, Cagayan Valley Region at Cordillera.
Direktiba niya sa mga ito i-activate ang kanilang mga disaster response at mahigpit na makipag ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) at mga DRRMC agencies para sa mga hakbang may kaugnayan sa mga paghahanda sa pananalasa ng bagyong Rosita.
Iniutos rin ni PNP Chief, na maging alerto ang kanilang specialized search and rescue units para maging augmentation forces sa mga kalapit na rehiyon na lubhang maapektuhan ng bagyong Rosita.
Batay sa ulat ng PAGASA ang bagyong Rosita ay inaasahang mananalasa sa Northern Luzon ngayong weekend.