Simula sa Oktubre 24 o sa Huwebes ng gabi, ipapatupad na ng mga water concessionaire ang kanilang rotational service interruption.
Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam dahil sa kawalan ng pag-ulan.
Ayon kay Donna Perez Technical Spokesperson ng Manila Water, ipapatupad nila ang apat hanggang sampung oras na water interruption na posibleng tumagal hanggang 2020 kapag hindi tumaas ang water level sa Angat Dam.
Paglilinaw naman ni Perez, hindi kasing lala ng naranasang water interruption noong pagpasok ng taon ang mangyayari ngayon.
Sinabi naman ni Rodel Tumandao, head ng water source Department ng Maynilad na tatagal ng 6 hanggang 18 oras ang water interruption sa ilang lugar na sakop ng Maynilad.
Pinayuhan naman ng Maynilad at Manila Water ang kanilang mga customer na magtipid sa tubig at mag-ipon lang ng kanilang kailangan para sa isang araw.
Hindi kasi anila makakatulong kung sobra-sobra ang iimbak nilang tubig.
Makikita sa mga social media page ng Maynilad at Manila Water ang schedule ng water interruption.