Ginang, pinukpok ng martilyo sa ulo ng kapitbahay dahil umano sa tsismis

Nauwi sa paluan ng martilyo ang matinding pagtatalo ng dalawang magkapitbahay sa Barangay General T. De Leon, lungsod ng Valenzuela, Huwebes ng hapon.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Valenzuela City Police, nagsimula ang alitan ng mga babae sa – tsismis.

Nagtamo ng pasa at sugat sa noo ang biktimang si Rosalinda Acosta matapos pukpukin ng kapitbahay na kinilalang si Sarah Hasan.


Pahayag ni Acosta, bigla siyang sinaktan nang mapadaan sa inuupahang tirahan ng suspek.

Kaagad naawat ng ilang kapitbahay at tambay ang gulong naganap at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan si Acosta.

Nang madakip ng pulis si Hasan, sinabi nitong pinukpok niya sa ulo ang babae dahil nagdilim umano ang kaniyang paningin.

Nahaharap sa kasong attempted murder si Hasan na kasalukuyang nakakulong sa Valenzuela City Jail.

Facebook Comments