Manila, Philippines – Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang buhayin ang Reserve Officers’ Training Corps o ROTC.
Sa ilalim ng House Bill 8961, gagawing mandatory ang basic ROTC program para sa mga estudyante sa grades 11 at 12, sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Exempted naman dito ang mga estudyanteng physically o psychologically unfit at mga sumasailalim na sa kaparehong military training, varsity players at iba pang may valid reasons na aaprubahan naman ng Department of National Defense (DND).
Layunin ng panukala na imulat ang patriotism, nationalism at hikayatin sa public at civic affairs ang mga kabataan.
Ituturo rin sa mga mag-aaral ang public service at pag-aaralan ang trabaho ng AFP, PNP, BJMP at Coast Guard gayundin ang trabaho ng DOH at DSWD na nasa frontline ng pagbibigay ng social services.
Makakatulong din ito para makapag-handa ang mga estudyante kung nais ng mga ito ipagpatuloy ang pag-aaral sa Philippine Military Academy (PMA), Philippine National Police Academy (PNPA) at Philippine Public Safety College (PPSC).