Manila, Philippines – Naikabit na ang Route Numbering System sa mga pangunahing kalsada ng Kanlurang Kabisayaan o Western Visayas Region o Region 6.
Sa halip na iba-ibang tawag ng isang mahabang kalsada, ang mga naitalagang route numbers ay mas madaling makakabisado ng mga motorist na magpapabilis sa kanilang pagbiyahe.
Ang route numbering system ay maaaring binubuo ng apat na alpha-numeric sign (isang letra, at tatlong numero), dalawang alpha-numeric sign (isang letra at isang numero), o tatlong alpha-numeric sign (isang letra at dalawang numero).
Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, makaaasa ang mga road user na lahat ng kalsada na kabilang sa mga klasipikasyon ng route numbering system ay pare-pareho ang performance standard.
Sinimulang ipatupad ng Department of Public Works ang Highways (DPWH) ang RNS noong 2014 para mas mapasimple ang pagbukod-bukod ng mga pangunahing kalsada sa bansa, lalo na iyong mga nagdudugtong sa mga malalaking lungsod na may populasyon na hindi bababa sa 100,000 at mga secondary at iba pang kalsada na nagdurugtong rito at nag-uugnay ng mga kabayanan sa production centers, major ports, airports, ferry terminals, at tourist service centers.