ALAMINOS CITY, PANGASINAN – Muling naghigpit ang pamunuan ng Hundred Islands National Park sa Lungsod ng Alaminos kaugnay sa mga requirements sa pagbisita sa lugar kasabay sa patuloy na pagtaas na kaso ng COVID-19 na naitatala sa lalawigan.
Bukod sa kailangang na magpakita ng vaccination card, valid ID, gayundin ang negative RT-PCR o antigen test result ang bibisita sa lugar sakaling wala pa itong vaccination card.
Ipinapatupad din ang pag-rehistro ng account sa StaySafe.ph na opisyal na contact tracing mobile application ng Department of Interior and Local Government at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Layon nito na ma-monitor ang mga taong magtutungo sa lugar at mapabilis ang contact tracing sakaling kailanganin ng pamahalaang lungsod.
Kaugnay pa nito, batay sa direktiba ay nasa 50% capacity lamang ang pinapayagang makabisita sa lugar bawat araw.
Patuloy rin ang paalala ng mga otoridad na sumunod sa lahat ng health protocols laban sa COVID-19 lalo at kinumpirma na ang pagkakaroon ng kaso ng Omicron variant sa lalawigan ng Pangasinan. | ifmnews