Kung may ostrich na tila pagala-gala sa Quezon City, baboy at baka na nakikipag-habulan sa lansangan ng Cebu City at Iloilo City, isang bayawak naman ang naispatang naglilibot sa Davao City.
Na-videohan ng netizen na si Maverick Dave Cantillo ang pambihirang eksena sa loob ng isang eksklusibong subdivision sa Barangay Ma-a noong hapon ng Agosto 5.
Ayon kay Cantillo, palabas na siya sa naturang lugar nang makita ang bayawak na gumagapang sa kalye na animo’y naghahanap ng pagkain.
Subalit agad itong kumaripas ng takbo nang makatunog na may paparating na sasakyan.
Bagama’t nagulat sa insidente, hindi raw napigilang mamangha ng netizen dahil ito raw ang unang beses na nakakita siya ng bayawak.
Umani naman ng higit 100,000 views sa Facebook ang kuhang video ni Cantillo.
Payo naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko, kung sakaling may makasalubong na wildlife animal sa daanan ay huwag itong galawin at agad makipag-ugnayan sa mga kinauukulan.