Cauayan City, Isabela – Nakakumpiska ang PNP Cauayan ng isang 9mm na baril habang sila ay nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga pinagbebentahan ng paputok sa Lungsod ng Cauayan.
Ang naturang baril na paso na ang lisensiya ay nakumpiska mula sa isang security guard ng SMC Security Agency.
Sa panayam ng RMN Cauayan News kay PSI Esem Galiza, ang pinuno ng PCR/PIO ng Cauayan City Police Station ay kanyang ibinahagi na ang baril ay nasa pangangalaga ngayon ng Firearm and Explosive Division (FED) ng Civil Security Unit ng PNP Regional Office No 2 na kasama nilang naglilibot sa lungsod.
Ang ginagawang pagroronda ng PNP Cauayan ay may kaugnayan sa pagpapatupad ng Executive Order No 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon pa kay PCR Chief Galiza, ang kasalukuyang inisyatiba ng PNP Cauayan sa pamumuno ni Chief of Police PSupt Narciso Paragas ay para maipatupad ang iniaatas ng RA 7183 na nagbabawal sa mga malalakas na uri ng paputok bukod pa sa naturang EO 28.
Hangang sa ngayon ay patuloy ang ginagawa nilang pagpapaalala sa mga mamamayan ukol sa posibleng masamang idudulot ng mga ipinagbabawal na paputok.