Sa kabuuan, labi ng mga OFWs sa Saudi nasa 353; 107 dito pumanaw dahil sa COVID-19

Photo from Riyadh Express website

Pumalo sa 353 ang kabuuang bilang ng mga labi ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nanatili sa Saudi Arabia, kung saan 100 sa mga ito ay namatay bunsod ng coronavirus disease (COVID-19), ayon kay Philippine Ambassador Adnan Alonto.

Sa televised conference noong Lunes, sinabi ng opisyal na nasa 107 OFW ang pumanaw dahil sa kinatatakutang virus habang ang nalalabing 246 ay binawian ng buhay dulot ng iba’t-ibang karamdaman at pagiging biktima ng krimen.

Paglilinaw ni Alonto, naantala ang pag-uwi ng mga bangkay sanhi ng ipinatupad na travel restrictions ng Saudi Arabia upang mapigilan ang paglaganap ng virus.


“Nagkaroon po tayo ng backlog, so iyon po largely ang naging cause. Even up to now the flights are very limited and I understand ang isang plane full of passengers can only accommodate not more than three human remains dahil napakainit po ngayon dito sa Saudi Arabia,” saad ng embahador.

Nitong Linggo, inanunsyo ng Palasyo na doon ililibing ang mga Pinoy na nasawi sa COVID-19. Paliwanag ng InterAgency Task Force (IATF), baka raw magkaroon ng “danger of transmission” kapag binalik pa rito ang mga naturang bangkay.

Iuuwi naman sa bansa ang mga labi ng kababayan na hindi pumanaw dahil sa nakahahawang virus.

Nabatid ni Labor Secretary Silvestre Bello III na Hunyo 16 pa nag-umpisa ang 72 hours na palugit ng Saudi government pero pumayag itong bigyan ng karagdagang panahon at oras ang Pilipinas.

Facebook Comments