Cauayan City, Isabela – Linggo ng hapon, December 10, 2017 ay bumara ang matinding traffic sa pangunahing lansangan ng Maharlika Hi-way Brgy. Minante 1 Cauayan City Isabela.
Dahil dito ay maraming mga motorista ang naasar, nagreklamo at sinisi ang mga flagmen ng ginagawang tulay sa tapat ng University of Perpetual Help Cauayan Campus dahil tila hindi marunong magmando ng trapiko.
Bilang tugon ay nagpatawag ng pulong sa mga kinatawan ng kontraktor at DPWH 3rd Engineering District ang sa bagong talagang hepe ng Public Order and Safety Division ng Cauayan (POSD-Cauayan) at dating konsehal na si Ginoong Edwin G. Lucas at tinalakay ang mga dapat gawin upang maisaayos ang problema sa naturang lugar.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team ay kinumpirma ni Lucas ang nangyaring problema kung saan ay umabot ang haba nito ng ilang kilometero.
Agad namang pinulong ni POSD-Cauayan Chief Edwin Lucas ang kanyang mga tauhan upang alamin ang naging problema bago tuluyang puntahan ang ginawagang kalsada.
Sa kanyang pag-iinspeksyon kung saan ay kasama ang RMN News Team kahapon ng Disyembre 12, 2017 ay kanyang pinayuhan ang mga gumagawa at mga engineers na may hawak ng proyekto, na kung maaari sana ay sa gabi nila gawin ang nasabing proyekto.
Kanya ring pinakiusapan ang mga ito na bago bakbakin ang alinmang linya ng kalsada na karugtong ng pinapaluwang na tulay ay siguraduhin muna nilang maayos na madadaanan ang kabilang linya.
Sa ngayon ay naging mas maayos ang pagmamando sa daloy ng trapiko sa naturang lugar dahil dinagdagan na rin ang mga operatiba ng POSD bukod pa sa ilang kapulisan na nagmamanman sa lugar.
Binigyang diin din ni POSD Chief Edwin Lucas na huwag mag aatubili ang publiko na isumbong sa kanyang tanggapan ang sinumang makikitang operatiba ng POSD-Cauayan na arogante, nangongotong, bastos, at nagmamalabis sa kanilang tungkulin.