Pinangangambahang magsabay-sabay ng balik sa Metro Manila ang mga motoristang nagbakasyon sa probinsya nitong Holy Week simula mamayang hapon hanggang bukas ng madaling araw, April 11.
Ayon kay Robin Ignacio, Traffic Senior Manager ng North Luzon Expressway (NLEX), bagama’t may ilang bumiyahe na kahapon ay wala pa ito sa 50% ng mga motoristang lumabas sa National Capital Region simula noong Miyerkules Santo.
“Yun nga po yung ikinakakaba natin kasi maluwag pa po ngayon mula pa kaninang madaling araw. So, inaasahan natin mamayang hapon ulit na baka magkasabay-sabay na naman po ang mga kababayan natin hanggang gabi na yan at maging bukas nang madaling araw,” ani Ignacio sa interview ng DZXL.
Sa inisyal na bilang, umabot sa mahigit 400,000 ang bumagtas sa NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) nitong Semana Santa, mas mataas sa 350,000 na naitatala sa mga normal na araw.
Ayon kay Ignacio, bagama’t nakaranas ng pagbagal sa daloy ng trapiko nitong kagsagsagan ng Holy Week ay naiwasan naman ang matinding traffic dahil na rin sa paggamit ng mga motorista ng RFID.
Sa ngayon, tinututukan ng pamunuan ng NLEX ang Bocaue Toll Plaza sa posibleng build up ng mga sasakyan papasok sa Metro Manila.