Sabay-sabay na shutdown ng mga power plant, tinawag na modus ng isang kongresista

Tinawag na ‘modus’ ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang sabay-sabay na shutdown ng mga power plants dahilan kaya nakakaranas ng rotational brownouts ang mga Metro Manila at Luzon.

Giit ni Zarate, ang ‘unscheduled power plant shutdown’ ay scheme na ng mga generation company noon pang 2012.

Ginagawa aniya ito ng mga gencos noon para maitaas ang singil sa kuryente na siyang tinukoy naman sa temporary restraining order ng Supreme Court noong 2013.


Pinaglalaruan aniya ng mga kumpanya ang sistema habang ang mga consumers ang pumapasan sa mga dagdag na bayarin.

Nagtataka pa ang kongresista sa coordinated na pagkasira ng mga planta na lagi na lamang natataon tuwing tag-init.

Bukod dito ay nadagdagan na rin ang listahan ng mga power plant na laging nasisiraan ngayon.

Dahil dito, umapela si Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-review ang power supply agreement ng mga gencos sa paniniwalang aabusuhin nanaman ng mga ito ang mga consumers sa panibagong electric shock bill.

Samantala, ngayong umaga ay ikakasa ng Committee on Energy ang moto proprio investigation kaugnay sa nararanasang rotational brownout at ang sanhi ng kakulangan ng suplay ng kuryente.

Facebook Comments