Sabayang pagkilos sa inagurasyon ni President-elect Marcos, pinaghahandaan ng mga awtoridad

Nakikiusap ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga raliyista at mga makakaliwang grupo na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa Huwebes sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa National Museum.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na nakakuha sila ng impormasyon na magkakasa ng mga pagkilos ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at iba pang makakaliwang grupo.

Aniya, simultaneous itong gagawin o sabay-sabay tulad dito sa Metro Manila, Baguio City, Cebu city, Iloilo at iba pa.


Ayon kay Malaya, hindi naman pipigilan ng mga pulis ang mga raliyista na maglabas ng kanilang mga hinanaing basta’t kinakailangan lamang itong maging mapayapa at idaos sa mga freedom park.

Kasunod nito, tiniyak ng opisyal na ipatutupad ng kapulisan ang maximum tolerance at hindi hahayaang mabahiran ng karahasan ang makasaysayang okasyon.

Giit pa nito, dapat igalang ng lahat ang naging desisyon ng higit sa 31 milyong mga Pilipino na bumoto kay Pres-elect Bongbong Marcos.

Facebook Comments