Nagbabala ang Malacañang na hindi nito sasantuhin ang sinuman kung mapapatunayan mayroong sabwatan sa pagitan ng mga port personnel ng Bureau of Customs (BOC) at mga smuggler ng asukal.
Ang pahayag ay ginawa ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles matapos mabuking na mayroong mga smuggler ang nagpapalusot ng mga asukal gamit ang mga recycled na sugar import permit.
Una nang inatasan ni Executive Sec. Vic Rodriguez, batay na rin sa direktiba ng Pangulo, na imbestigahan ang posiblidad na ang nasabat na mga asukal sa dalawang warehouse sa San Jose del Monte, Bulacan ay imported sugar na ni-repack lang gamit ang mga sako ng local brand.
Natukoy ayon kay Angeles na hindi rehistrado sa Sugar Regulatory Administration (SRA) ang mga warehouse na ni-raid kahapon.
Sinabi pa ng press secretary, na mas lalo pang tumaas ng suspetsa matapos sabihin nang may-ari ng bodega na kaya maraming naka-imbak na asukal ay dahil sa ‘matumal’ na bentahan.