Ibinulgar ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada sa pagdinig ng Kamara na posibleng mayroong sabwatan sa pagitan ng PhilHealth at ng Civil Service Commission (CSC).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability, tahasang inamin ni Lizada na iniutos sa kanila ni CSC Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala ang pagpigil sa paglalabas ng impormasyon kaugnay sa mga kaso ng PhilHealth na naka-record sa komisyon.
Ayon kay Lizada, matapos na lumabas ang Memorandum ng Pangulo patungkol sa PhilHealth ay agad silang nagpulong at doon sinabi ni Chairperson Bala na huwag maglalabas ng kahit anong impormasyon tungkol sa PhilHealth cases sa kahit anong uri ng imbestigasyon.
Sa katunayan aniya ay naka-record ang statement na iyon ni Bala sa kanilang pulong pero ipinatanggal naman sa record ng kanilang “minutes of meeting” ang naging pahayag ng Chairman.
Agad namang iniutos ni Lizada na itama ang minutes of meeting na ito kung saan ipinaalis ang mismong “guidance” o utos ni Bala.
Pero itinanggi naman ni CSC Asst. Commissioner Ariel Ronquillo na may ganoong utos ang Chairman ng komisyon.
Agad namang kinontra ni Lizada ang pagtanggi ni Ronquillo at iginiit nito na kaharap mismo ni Chairman Bala ang Asst. Commissioner habang sinasabi ang utos.
Nanindigan si Lizada na nakahanda siyang tayuan at panindigan ang kanyang mga ibinunyag sa mga kongresista dahil ito aniya ang katotohanan.
Sa kasalukuyan ay may 19 na kaso ng PhilHealth ang nakabinbin sa CSC na karamihan ay administrative cases.