Bakuna para iwas pandemya, inilunsad ng isang sorority group sa isang webinar

Hinikayat ng mga batang mag-aaral ng medisina mula sa isang sorority group ang publiko na magpabakuna kahit nasa ilalim ng pandemya ang bansa.

Sa isang webinar culminating series na inorganisa ng Mu Sigma Phi Sorority ng University of the Philippines – College of Medicine, ipinaliwanag nila na ang pagsunod sa regular na pagpapabakuna ay isang paraan upang magkaroon ng mas malakas na immune system para labanan ang COVID-19.

Ayon kina Dr. Virginia S. Abalos Professor Emeritus, at Dr. Lulu C. Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, ang pagpapabakuna ng regular ay isang mabisang paraan kontra COVID-19 hangga’t walang gamot na nadidiskubre para rito.


Tinukoy nina Abalos at Bravo na kailangang sundin ang schedule ng bakuna lalo na sa mga buntis, sanggol at mga matatanda na karaniwan ay may mahinang immune system.

Ang mga magpapabakuna na asymptomatic COVID patient ay maaari makipag-ugnayan sa kanilang mga doktor para mabigyan ng komprehensibong payo bago isagawa ang pagpapabakuna.

Payo naman ni Dr. Wilda T. Silva, National Immunization Program Manager ng Department of Health (DOH), ang bakuna kontra pneumonia, hepatitis at polio ang isa sa mga mabisang paraan para lumakas ang immune system ng isang tao.

Sa record ng DOH, mula 87% noong 2016, bumagsak sa 68% nitong 2019 ang mga nagpapabakuna na siyang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng outbreak ng polio sa Pilipinas.

Dahil dito, umaapela sa publiko ang Mu Sigma Phi Sorority, ang kauna-unahang medical sorority na kinikilala sa Asya, na samantalahin ang mga libreng bakuna na ibinibigay ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan sa panahon ng pandemya.

Ang webinar para sa panawagang bakuna sa gitna ng pandemya ay ipinagkaloob ng UP-College of Medicine, Philippine General Hospital, Philippine Foundation for Vaccination, Mu Sigma Phi Foundation at kompanyang MSD Philippines para matiyak na maitutulak ang malawakang bakuna upang mapalakas ang immune system.

Facebook Comments