Tiniyak ng Civil Service Commission (CSC) na hindi maaapektuhan ng pagpapatupad ng “flexi-workplace” ang pagbibigay-serbisyo ng mga tanggapan ng gobyerno.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni CSC Commissioner Atty. Aileen Lizada na mayroon namang nakalatag na safety nets para rito.
Aniya, depende naman sa opisina kung ano ang naaangkop sa kanila na flexible work arrangement.
Pagdating naman sa mga empleyado ng gobyerno, dapat na mayroon silang target na mga trabahong dapat matapos kahit naka-work-from-home.
Nilinaw rin ni Lizada na hindi mawawalan ng tao sa mga opisina ng gobyerno dahil hindi naman sabay-sabay na magwo-work-from-home ang mga empleyado nito.
Dagdag pa ni Lizada, makakatulong din ang flexible work arrangement para tuloy-tuloy ang pagtatrabaho kahit nasa bahay lalo na kapag may kalamidad.
Pangunahing konsepto rin nito ang work life balance ang government workers.
Sakop ng flexi-workplace ang work-from-home, skeletal workforce, four-day compressed workweek, staggered working hours, at kombinasyon ng apat na ito.