Inihayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) na 17 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang nanumpa at lumagda ng Application to Purchase and Farmer’s Undertaking sa harap ni Judge Beina Marieta Cabusao sa Municipal Trial Court sa Sagay City, Negros Occidental dahil pumasa sila sa screening process upang tumanggap ng lupa mula sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan.
Ang DAR ang pangunahing ahensya na tagapagpatupad ng CARP kung saan muling ipinamamahagi ang pampubliko at pampribadong lupaing pang-agrikultural sa mga magsasaka na walang lupa.
Paliwanag ng DAR, ang mga nasabing magsasaka ay tatanggap ng lupaing pag-aari nina Rhode Jesena, Diosdado Camelote at Alexius Abong at iba pa na sinasakupan ng Lot Numbers 3, 1765, at 777 at may sukat na 3.9812 ektarya, 11.9708 ektarya at 4.8904 ektarya na matatagpuan sa mga barangay ng Andres Bonifacio, Maquiling at Vito sa Sagay City.
Umaasa sila na sana ay hindi nila malimutan ang resposibilidad na kaakibat dito gaya ng pagpapayaman sa lupain at pagbabayad sa mga buwis at iba pang obligasyon.
Isa sa mga pangunahing aktibidad ng DAR upang matamo ang lupa sa ilalim ng CARP sa pamamagitan ng mandato nito na muling ipamahagi ang lupa sa mga magsasakang walang lupain upang masiguro ang kanilang land security, social equity at mabigyan din sila ng mga kinakailangang suporta upang matiyak ang pag-unlad ng kanilang ekonomiya.