Manila, Philippines – Tuloy ang imbestigasyon ng NBI sa Sagay massacre case.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa hininging paglilinaw ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) kaugnay ng utos ng kalihim sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang massacre sa Sagay, Negros Occidental at ang pamamaril kay Atty. Benjamin Ramos.
Sinabi ni Guevarra na sesentro ang imbestigasyon at findings ng NBI probe base sa makakalap nilang mga ebidensya.
Una nang hiniling ng grupo kay Guevarra na linawin kung layon ba ng mas malalim na pagsisiyasat na suportahan ang pahayag ni Pangulong Duterte na ang dalawang trahedya ay bahagi ng plano ng mga komunista na patalsikin siya sa pwesto.
Ayon kay John Milton Lozande, secretary general ng NFSW, nabanggit kasi ni Guevarra sa media na ang insidente sa Sagay ay maituturing na bansa sa national security.
Nababahala rin ang grupo na isama ang kanilang grupo sa proscription list o listahan ng mga myembro ng CPP-NPA na ipinapadeklarang terorista oras na tukuyin ng NBI ang NPA bilang salarin sa masaker sa Sagay at sa pagpatay kay Atty. Ramos.