“Sagot on Sale,” iimbestigahan ng DepEd

Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang ‘sagot on sale’ o bentahan ng sagot sa mga module na bahagi ng distance learning system matapos ipagbawal ang face-to-face class dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, bina-validate na nila ang mga sumbong na pagbebenta ng mga sagot sa module na ginagamit ng mga bata sa kanilang pag-aaral.

Aniya, hindi makakatulong sa pagtuturo ng katapatan kung mga magulang mismo ang bibili ng sagot o tutulong sa pagsagot sa mga modules ng mga estudyante.


“Papatingnan natin sa ating mga kasama at magpapa-validate tayo ng mga naulat. Ang maliwanag po simula’t simula, binigyang-diin din natin na hindi puwedeng gawin ito kasi hindi ito makakatulong sa pagturo ng honesty, pagiging honest ng mga kabataang Pilipino kung ang mga magulang mismo ang mamimili o ang tutulong sa pagbigay ng sagot,” giit ni San Antonio.

Kasabay nito, nagbabala ang DepEd sa mga guro na magbebenta ng sagot sa kanilang estudyante na mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo at mapaparusahan.

“Hindi po talaga ito pinapayagan at ang mapapatunayan po siyempre sa mga kapwa guro natin na nagbenta at siya ang gumawa ng sagot para sa sarili niyang estudyante na parang ang hirap pong ma-imagine, hindi ko po ma-imagine na mangyayari ito ay siyempre po dadaan sila sa proseso ng administrative cases.” dagdag ni San Antonio

Una nang lumabas sa pagdinig ng Senado na may mga magulang na nagbabayad ng ibang tao para sagutan ang learning modules ng kanilang anak.

Facebook Comments