City of Ilagan, Isabela – Kasalukuyan ang sagupaan sa pagitan ng militar at NPA sa bahagi ng Barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.
Ito ang kinumpirma ni Captain Noriel Tayaban, OIC ng Division Public Affairs Office ng 5th. Infantry Division Philippine Army, sa panayam ng RMN Cauayan.
Aniya ang sagupaan na nag-umpisa pa kaninang alas singko ng umaga ay bilang sagot ng 95th. Infantry Battalion sa naganap na pag-disarma ng Reynaldo Piñon Command ng NPA Central Isabela Front sa mga elemento ng Task Force Kalikasan (TFK) na nagsagawa ng checkpoint sa nasabing lugar, nitong isang araw.
Sinabi pa ni Captain Tayaban na gumamit na ng air strike at ground forces ang militar sa lugar na kinaroroonan umano ng nasa 30-40 na bilang ng NPA.
Kinumpirma rin ni Captain Tayaban na wala pang naitatalang sugatan sa panig ng militar o NPA at kung may nadamay na sibilyan sa lugar ng bakbakan.
Samantala ang Reynaldo Piñon Command ng NPA Central Isabela Front ay grupo rin umano na nakasagupa ng militar kamakailan sa bayan ng Jones, Echague, San Agustin, San Guillermo at Angadanan o ang tinatawag na JESSA Complex sa lalawigan ng Isabela.