Sahod at allowance ng mga uniformed personnel sa buong bansa, tataasan sa susunod na taon —PBBM

Tatataasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sahod ng lahat ng military at uniformed personnel (MUP) sa susunod na taon bilang pagkilala sa kanilang serbisyo sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad at banta sa seguridad.

Ayon kay Pangulong Marcos, sasaklawin ng dagdag-sahod ang uniformed personnel mula sa Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

Ipapatupad ang taas-sahod sa tatlong bahagi, ito ay sa January 1, 2026, January 1, 2027, at January 1, 2028.

Hindi naman binanggit ng pangulo kung magkano ang idadagdag sa sahod ng mga uniformed personnel pero sa ngayon, nasa ₱30,000 ang base pay ng sundalong may pinakamababang ranggo.

Bukod dito, simula January 1, 2026, tataas sa ₱350 kada araw ang Subsistence Allowance ng lahat ng MUP, mula sa dating ₱150

Giit ng pangulo, karapat-dapat lamang na mabigyan ng makatarungang sahod at sapat na suporta ang mga nagtatanggol at naglilingkod sa bayan.

Facebook Comments