Manila, Philippines – Minamadali na ng House Committee on National Defense and Security ang pagbuo sa batas para sa monetary benefits na ibibigay sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Committee Chairman at Pangasinan Rep. Amado Espino, inaprubahan na ng kanyang panel sa technical working group ang pag-iisa sa 4 na panukala na inihain para sa pagsusulong na mabigyan ng dagdag sahod at benepisyo ang mga sundalo bilang pagkilala sa kanilang mga nagawa sa bayan.
Layon ng mga inihaing panukala na taasan ng isang libo ang buwanang combat pay ng mga sundalo at dagdag na 500 insentibo sa mga madedestino sa labanan.
Isinusulong din ang quarter allowance, longevity pay at automatic pay increase sa mga AFP member na maitatalaga sa labas ng kanilang permanent station sa loob ng mahigit 180 araw.
Naniniwala si Antipolo Rep Romeo Acop na mas maganda na isabatas muna ito upang masiguro na maipatutupad kahit pa nangako ang Budget department na tatalima sa pagtaas ng sahod at benepisyo ng sundalo.