Cauayan City, Isabela- Inihayag ni Regional Director Joel Gonzales ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 2 na hindi dapat hinahati ang sahod ng isang benepisyaryo ng Tulong Panghanap-buhay sa mga Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) program.
Kasunod ito ng kumakalat na impormasyon na mayroon umanong mga benepisyaryo ng nasabing programa sa Lalawigan ng Isabela na kulang ang kanilang tinanggap na sahod.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Regional Director Joel Gonzales ng DOLE Region 2, hindi aniya pwedeng hatiin ang sahod na dapat tanggapin ng isang TUPAD beneficiary dahil hindi rin aniya nahahati ang kanilang pagtatrabaho.
Gayunman, sinabi ni RD Gonzales na paiimbestigahan ng ahensya ang naturang reklamo upang maberipika at mabigyan ng kaukulang aksyon.
Hindi aniya itotolerate ng nasabing ahensya ang ganong klase ng sistema na ibang tao ang binibigyan o hinahati ang sahod ng isang benepisyaryo ng TUPAD.
Sa sinumang benepisyaryo ng TUPAD na makakaranas ng ganong insidente, maaari aniyang dumulog o magsumbong sa tanggapan ng DOLE o mismong kay Sec. Silvestre “Bebot” Bello III upang ito ay matugunan.