Sakit na Pneumonia, Nanguna sa may Pinakamataas na kasong naitala ng Cauayan District Hospital!

*Cauayan City, Isabela-* Nangunguna ang sakit na Pneumonia sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng sakit na naitala ng Cauayan District Hospital simula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Batay sa datos ng nasabing ospital, pumalo sa 670 na pasyente ang may sakit na pneumonia na sinundan naman ng sakit na AGE o Acute Gastroenteritis na may kabuuang bilang na 571 at Urinary Tract Infection o UTI na may bilang na 285.

Ayon kay Ginoong Reygie Lopez, District Hospital Administrator, mula sa edad isang taong gulang ang pinakabata habang nasa edad 70 taong gulang pataas naman ang pinakamatanda na kalimitang tinatamaan ng mga nasabing sakit.


Aniya, hindi biro ang ganitong dami ng bilang ng mga nagkakasakit kung kaya’t mahigpit pa rin ang pagpapaalala ng pamunuan ng ospital na kung sakaling makaranas ng di maganda sa kalusugan ay magpasuri agad sa doktor para maagapan ang paglala ng sakit.

Kaugnay nito ay patuloy rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng sakit na dengue sa nasabing ospital na pumalo sa 274 pasyente mula noong buwan ng Enero hanggang Hulyo 2019.

Paalala ng pamunuan ng ospital na panatalihin pa rin ang kalinisan sa katawan at kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit na posibleng maranasan ng isang tao.

Facebook Comments