Pinalilimitahan lamang sa mga kumpirmadong COVID-19 cases ang case rate package sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) partikular sa IRM, napuna ng mga kongresista ang pagsasama sa “suspected cases” sa COVID-19 case rate na binabayaran ng ahensya sa mga ospital.
Ayon kay Public Accounts Chairman Mike Defensor, malinaw sa naging pahayag ng PhilHealth na base sa kanilang polisiya ay COVID-19 positive lamang ang pasok sa naturang case rate.
Ipinagtataka rin nila Cavite Rep. Elpidio Barzaga at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang pagsama sa IRM claims para sa dialysis at lying-in centers.
Malinaw na ang IRM na kilala ring emergency cash advance ay ginagamit lamang para agad na bigyang pondo ang mga health care institutions sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng COVID-19 pandemic.
Katwiran naman ni PhilHealth Senior Vice President for Health Finance Policy Sector Israel Francis Pargas na isinama nila ang dialysis at lying-in centers sa claims ng IRM bukod sa COVID-19 dahil ikinukunsidera rin nila ang ibang mga sakit na ginagamot din sa parehong treatment facility.