Inaprubahan na ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng saliva samples para sa COVID-19 PCR tests.
Ito ay para mapalawak ang testing capacity ng bansa at matiyak ang mabilis at epektibong pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategies ng pamahalaan.
Nakasaad sa ipinalabas na Department Memorandum No. 2021-0161 ng DOH na tanging mga lisensyadong COVID-19 laboratories na sertipikado ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang papayagang magsagawa ng saliva-based PCR tests.
Bukod dito, tanging RITM-validated test kits lang din na may 95% sensitivity at 99% specificity ang maaaring gamitin.
Ang sensitivity ay tumutukoy sa abilidad ng pagsusuri na ma-detect ang SARS-Cov-2 habang ang specificity ay tumutukoy sa abilidad na matukoy ang mga walang virus.
Tanging mga trained saliva specimen collectors lang din ang maaaring magsagawa ng tests.
Kahit pinayagan na ang paggamit ng saliva tests, nilinaw ng DOH na swab test pa rin ang gold standard para sa COVID-19 testing.
Welcome naman para sa Philippine Red Cross ang pagpayag ng DOH na maisama ang saliva tests sa PhilHealth coverage.