Salpukan ng 2 Motorsiklo, 2 Patay; 2 Sugatan

31

Cauayan City, Isabela- Patay ang dalawang sakay ng isang motorsiklo habang dalawa pa ang sugatan matapos magsalpukan ang kanilang sinasakyang motor sa kahabaan ng barangay San Pedro, Roxas, Isabela.

Nakilala ang nasawi na drayber ng isang Kawasaki Rouser na walang plaka na si Arnold Managuelod, 29 taong gulang, magsasaka residente ng Brgy. Imbiao, Roxas at ang kanyang back rider na si Angelica Nava, 33 taong gulang mula sa Tondo, Manila at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Bantug sa bayan ng Roxas.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Roxas, patungong kanlurang direksyon ang motorsiklo na sakay ng mga biktima at habang bumabaybay sa kalsada ay aksidenteng nasalpok ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Joshua Rivera, 21 taong gulang, trabahador, residente ng Brgy. Muñoz East, Roxas kasama ang angkas na si Jay-ar De Vera, 30 taong gulang, construction worker at residente naman ng brgy. San Pedro, Roxas.

Sumemplang sa kalsada ang mga sakay ng dalawang motorsiklo kung saan nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang mga sakay ng Kawasaki Rouser maging ang dalawang sakay ng nakasalpukang motorsiklo.

Isinugod ang mga ito sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng attending physician sina Managuelod at Nava.

Facebook Comments