Salpukan ng Motorsiklo at Pampasaherong Van sa Roxas, Isabela, Isa Patay!

Roxas, Isabela- Idineklarang Dead on Arrival (DOA) ang isang dalagang lulan ng motorsiklo matapos salpukin ng kasalubong na pampasaherong Van pasado alas tres ng kaninang umaga, Nobyembre 18, 2018 sa kahabaan ng Provincial Road sa Brgy. Lanting Roxas, Isabela,

Kinilala ang biktima na si Lalaine Hinaniban, 26 anyos, walang asawa, mula sa Langos Malabon City at pansamantalang nakatira sa brgy. Bantug, Roxas Isabela habang ang suspek naman ay kinilalang si Salvador de Guzman Jr., 31 anyos, walang asawa at residente naman ng 148 Central Faireview, Baguio City, Benguet.

Batay sa ipinarating na impormasyon ng Isabela Police Provincial Office sa RMN Cauayan, nasa magkasalungat na direksyon umano ang dalawa na bumabaybay sa naturang lansangan ng aktong tahakin ni Hinaniban ang linya ng kasalubong na Van na nagresulta sa pagkakasalpok nito.


Sinubukan pa umanong iwasan ito ni de Guzman ngunit dahil sa lakas ng impak ay nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa kanyang ulo.

Agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan si Hananiban ngunit hindi na umabot ng buhay habang dinala naman ang kanilang mga sasakyan sa himpilan ng PNP Roxas para sa karagdagang imbestigasyon at disposisyon.

Facebook Comments